Nanguna ang Isabela sa paglago ng ekonomiya sa Cagayan Valley noong 2024, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA)–Isabela.
Ipinahayag ni Chief Statistical Specialist Julius M. Emperador sa Isabela Provincial Product Accounts (PPA) Dissemination Forum ngayong araw na nanatiling matatag at nagpakita ng malakas na pag-angat ang Gross Domestic Product (GDP) ng lalawigan, na mas mabilis ang paglago kumpara sa kabuuang ekonomiya ng rehiyon.
Tinatayang umabot sa ₱470.72 bilyon ang ekonomiya ng Cagayan Valley, kung saan may 44.6% na bahagi ang Isabela, habang 35.4% naman ang Cagayan.
Positibong Paglago sa Lahat ng Sektor
Batay sa presentasyon ni G. Emperador, nagtala ng positibong paglago ang lahat ng pangunahing industriya ng Isabela noong 2024.
Ang Industriya ang sektor na pinakamabilis na lumago, na nagtala ng 13.4% na pag-angat; sinundan ito ng Serbisyo (Services) na lumago ng 6.2%, at Agrikultura, Forestry, at Pangingisda (AFF) na nagtala ng pagtaas na 0.7%.
Sa kabuuang GDP ng Isabela, ang sektor ng Serbisyo ang may pinakamalaking ambag na 44.7%. Samantala, ang Agrikultura, Forestry, at Pangingisda ay nag-ambag ng 28.3%, habang ang sektor ng Industriya ay may 27.1% na bahagi.
Pinakamalaking Ambag sa Rehiyon
Binigyang-diin ni Emperador na ang Isabela ang may pinakamalaking bahagi sa lahat ng pangunahing sektor ng Cagayan Valley.
Sa Agrikultura, Forestry, at Pangingisda, nanguna ang Isabela na may 49.8% na bahagi, sinundan ng Cagayan na may 33.7%.
Sa Industriya, Isabela rin ang may pinakamalaking bahagi na 40.7%, habang pumangalawa ang Cagayan na may 35.6%. Nanguna rin ang Isabela sa sektor ng Serbisyo, na nagtala ng 44.3%.
Ang mga datos na ito ay nagpapakita na ang lalawigan ng Isabela ay patuloy na gumaganap bilang pangunahing puwersa sa pagpapatakbo at pagpapaunlad ng ekonomiya ng Cagayan Valley.
Samantala, nilinaw ni Bb. Shiloh Carah E. Pihoc, Statistical Specialist II ng Subnational Economic Accounts Division, PSA Central Office, na habang ang GDP ay naglalarawan ng produksiyon at ekonomiya ng isang probinsya, ang pamumuhay o lifestyle ng mga tao ay mas angkop na sinusukat gamit ang mga indikador tulad ng poverty at employment.
Gayunpaman, magkaugnay ang dalawang datos—kapag umuunlad ang ekonomiya o tumataas ang GDP, nangangahulugan ito ng mas maraming aktibidad at mas magandang kita para sa mga residente.
Aniya, ang mga datos na ito ay mahalaga para sa policy-making at pagpaplano ng mga lokal na opisyal upang masiguro ang tuloy-tuloy na pag-unlad at kagalingan ng bawat Isabeleño.
Halos 15% Pagtaas sa Real Output
Sa kanyang talumpati, ipinagmalaki ni Assistant Provincial Planning and Development Coordinator Lalaine C. Delmendo na ang real output ng ekonomiya ng Isabela ay umabot sa ₱210.05 bilyon (sa constant 2018 prices), na nagpapakita ng halos 15% na pagtaas kumpara sa antas bago ang pandemya noong 2019.
“Ang paglago na ito ay sumasalamin sa kolektibong pagsisikap ng ating mga mamamayan—ang mga magsasaka, negosyante, manggagawa, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan—na nagtutulak sa ating ekonomiya araw-araw,” ani Delmendo.
Binanggit din ni Delmendo ang ambisyon ng Isabela na maging leader sa renewable energy sa Northern Luzon, kabilang ang patuloy na pamumuhunan tulad ng pagtatayo ng 440-megawatt solar power farm sa Lungsod ng Ilagan.
Patuloy din ang Farm-to-Market Roads Projects, kung saan ipinagpapatuloy ang paggawa ng mga kalsada at tulay upang mapabilis ang transportasyon ng ani ng mga magsasaka. Bunga nito, nagtala ang lalawigan ng 467% rice sufficiency rate—ang pinakamataas sa buong Pilipinas.
Pinalalakas din ang programa sa dairy production sa mga bayan ng San Agustin at Mallig, at sinusuportahan ang Busog Lusog Program, na nagbibigay ng nutritional support sa mga bata gamit ang lokal na gatas.
Ang pinalawak na Isabela Recovery Initiatives to Support Enterprises ay nagbibigay ng interest-free loans, livelihood kits, at cash grants sa mga kooperatiba at MSMEs, na nagbubukas ng mas maraming trabaho at oportunidad sa kabuhayan.
“Ang matatag, balanse, at inklusibong ekonomiya ng Isabela ay handang harapin ang anumang pagsubok. Kami ay naghahangad ng isang smart, sustainable, at strong Isabela—isang probinsiyang nagpapabuti sa buhay, nagpapalalim sa pagkakapantay-pantay, at nagtutulak ng modernisasyon mula sa bawat barangay hanggang sa bawat lungsod at munisipalidad,” pagtatapos ni Delmendo. – Isabela PIO