Pinalalakas ng Isabela – Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang aktibong paghahanap ng
mga posibleng kaso ng tuberculosis (TB) sa lalawigan upang agad na matukoy ang
mga indibidwal na may sintomas ng sakit at maiugnay sila sa angkop na gamutan.
Isinagawa ang TB Caravan sa mga prayoridad na LGUs sa Isabela ngayong Hulyo, kabilang ang mga bayan ng San Isidro, Quezon, Jones, San Mariano, San Agustin, San Mateo, Ramon, at San Guillermo, na nakapagbigay ng serbisyo sa tinatayang 1,600 indibidwal.
Kabilang sa mga serbisyong ibinigay ang libreng chest X-ray screening at sputum collection para sa karagdagang diagnostic testing.
Nagsagawa rin ng health education sessions upang ipaalam sa mga residente ang kahalagahan ng maagang pagpapakonsulta, tamang pagsunod sa gamutan, at pag-iwas sa stigma laban sa mga taong may TB.
Bahagi ang caravan ng kampanya sa ilalim ng direktiba ni Governor Rodito T. Albano upang palawakin ang aktibong pagtukoy sa mga kaso ng TB, partikular sa mga indibidwal na may presumptive TB o mga posibleng may sakit na nangangailangan ng karagdagang pagsusuri, upang maputol ang pagkalat nito at mapababa ang bilang ng mga kaso sa lalawigan.
Kabilang sa mga prayoridad na benepisyaryo ang mga kapamilya o household contacts ng mga kumpirmadong kaso ng TB, mga naninigarilyo, mga nakararanas ng mga sintomas na maaaring kaugnay ng TB, senior citizens, healthcare workers, malnourished individuals, mga may kasabay na karamdaman, mga driver ng pampublikong sasakyan, at mga kabilang sa marginalized communities.
Pinangunahan ng National Tuberculosis Prevention and Control Program (NTP) ng IPHO, sa pamumuno ni Provincial Health Officer II Dr. Nelson O. Paguirigan, ang TB Caravan katuwang ang United States Agency for International Development (USAID) sa ilalim ng Tuberculosis Implementation Framework Agreement (TIFA) Project na ipinatutupad ng John Snow, Inc. (JSI). – Isabela PIO