BAGYONG PAOLO

PDRRMO Isabela, Nag-deploy ng Rescue Teams sa mga Bahaing Lugar

October 2, 2025

Share this:
Nag-deploy na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Isabela ng mga rescue team sa mga lugar na madalas bahain, partikular sa southern Isabela, bilang paghahanda sa inaasahang pagtama ng Bagyong #PaoloPH.
 
Ayon kay Assistant PDRRMO Romanico D. Daguio, nakatuon ang unang deployment sa mga mabababang bayan, kabilang ang Echague at San Agustin.
 
Inaasahang maaapektuhan ang mga ito ng tubig mula sa Sierra Madre kung dadaan ang bagyo sa pagitan ng Aurora at Isabela.
 
Binubuo ang deployment team ng PDRRMO Public Safety Office, Bureau of Fire Protection (BFP), at Isabela Special Motorcycle Action and Response Team (i-SMART).
 
Nakahanda ring tumulong ang 502nd Brigade ng Philippine Army na nakabase sa Echague.
 
Kumpleto sa kagamitan ang bawat grupo, kabilang ang mga bangka para sa Water Search and Rescue (WASAR). Bawat miyembro ay may sapat na kaalaman sa WASAR at first aid.
 
Nanawagan si Daguio sa mga residente na manatiling mapagmatyag, makinig sa mga update ng PAGASA, at manatili sa kanilang mga tahanan para sa kaligtasan.  Isabela PIO